Opisyal nang itinalaga ang calico cat na si Yontama bilang bagong stationmaster ng Kishi Station sa Kinokawa City matapos ang pormal na seremonya na dinaluhan ng mga opisyal ng Wakayama Railway Electric company.
Nabakante ang naturang posisyon matapos pumanaw ang dating stationmaster na si Nitama noong November, na nagsilbi sa riles sa loob ng halos isang dekada.
Sa pangunguna ni Wakayama Electric Railway President Mitsunobu Kojima, isinuot ang isang medalya sa leeg ni Yontama bilang simbolo ng kanyang bagong tungkulin at responsibilidad sa naturang istasyon.
Bagama’t tila katuwaan lamang para sa iba, seryoso at mahalaga ang papel ng mga “cat stationmasters” sa kasaysayan ng naturang istasyon.
Ang kanilang presensiya ay nagsisilbing major tourist attraction na bumubuhay sa ekonomiya ng rural railway line na dati ay nanganganib nang magsara dahil sa kakulangan ng pasahero.
Sa parehong okasyon, ipinakilala rin ng kompanya ang kanilang pinakabagong recruit na si Rokutama, isang kuting na calico cat.
Nilinaw ng pamunuan na hindi ito apprentice kundi isang “stationmaster candidate”.
Inaasahang ipagpapatuloy nina Yontama at Rokutama ang legacy na iniwan ng kanilang mga predecessor sa pag-akit ng mga turista at pagbibigay-sigla sa komunidad.





