Natagpuan ng mga rescue team ng Pakistan ang wreckage ng isang Boeing cargo plane sa malalim na bahagi ng dagat, 12 oras matapos itong mawala sa karagatan ng Karachi.
Ayon sa Pakistan Airports Authority, narekober ang bahagi ng K2 Airways Boeing 737 cargo plane may 53 nautical miles o halos 98 kilometro mula sa Ormara port.
Patuloy naman ang search and rescue operation ng Pakistan Navy at Pakistan Maritime Security Agency para mahanap ang limang crew members na sakay ng eroplano, kabilang ang dalawang piloto, dalawang engineer at isang support staff.
Nawala ang eroplano matapos mag-ulat ng problema sa navigation system habang patungo sa Karachi. Sinabi ng awtoridad na bigla itong bumaba ng altitude bago tuluyang mawala ang komunikasyon.
Nagpahayag naman ng pakikiramay si Pakistani Prime Minister Shehbaz Sharif sa pamilya ng mga sakay ng eroplano habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.











