--Ads--

Nabigo si Olympic silver medalist Carlo Paalam na masungkit ang gintong medalya matapos matalo sa split decision kontra sa home bet na si Rui Yamaguchi ng Japan sa men’s 55-kilogram boxing final ng Asian Games.

Ginaganap ang laban sa Nishio Gymnasium nitong Biyernes, Oktubre 2, kung saan nakuha ni Yamaguchi ang unang dalawang rounds at pabor sa kanya ang tatlo sa limang judges sa iskor na 29-28, 29-28 at 29-28.

Dalawa naman sa judges ang nagbigay ng puntos na 30-27 at 29-28 pabor kay Paalam.

Bagama’t unanimous na nakuha ng Filipino boxer ang ikatlo at huling round, hindi na ito naging sapat upang mabago ang resulta at tuluyang nasungkit ni Yamaguchi ang gold medal.

--Ads--

Dahil dito, nanatiling hindi natupad ang hangarin ng Pilipinas na makuha ang unang Asian Games boxing gold nito mula noong 2010, nang magkampeon si Rey Saludar sa men’s 52-kilogram division sa Guangzhou, China.

Gayunman, nalampasan ni Paalam ang bronze medal na kanyang nakuha noong 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia, kung saan lumaban siya sa 49-kilogram division.

Si Paalam din ang nagtiyak na may maiuwing medalya ang Pilipinas sa boxing matapos ang pagkabigo ng kanyang mga kasamahan na sina Nesthy Petecio, Aira Villegas, Junmilardo Ogayre, Norlan Petecio at Riza Pasuit.

Tiniyak ni Paalam ang kanyang medalya matapos talunin si Zhang Jiamao ng China sa quarterfinals at si reigning world champion Makhmud Sabyrkhan ng Kazakhstan sa semifinals.