Puspusan na ang paghahanda ng Cauayan City Information and Communications Office para sa International Smart Cities & Communities Exposition & Networking Engagement o ISCENE 2025.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Reina Santos, City Information and Communications Officer, sinabi niya na ito ang ikatlong pagkakataon na maghohost ang Cauayan City ng ISCENE katuwang ang Isabela State University at Department of Science and Technology o DOST.
Sa loob ng dalawang taon na paghohost ng Cauayan City ay patuloy na pinalalakas ang adbokasya ng Smart Cities o Smart Philippine Movement.
Ang tema ngayong taon ay Innovation in Action: Empowering Smart and Sustainable Communities through Government-Academe-Industry Collaboration.
Layon nito na mapalakas at makabuo ng mas maraming partnerships ang public, private at academic sector para sa kanilang collective action para sa pagbuo ng smarter at mas sustenableng komunidad.
Pangunahing tatalakayin dito ng mga inimbitahang eksperto mula sa ibat-ibang bansa ang Urban Planning, AI, Robotics, Textile at Plastic Smart Cities.
Inaasahan naman ang pakikibahagi rito ng ibat-ibang regions ng DOST, iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng DILG at mga academic institutions sa bansa.
Isasagawa ang ISCENE 2025 sa ika-22 hanggang 25 ng Mayo sa Isabela Convention Center o ICON sa Cauayan City.