--Ads--

Nananatiling mapayapa ang sitwasyon sa Cauayan City matapos makapagtala ng apat lamang na insidente ng krimen noong buwan ng Hulyo, kasabay ng sunod-sunod na matagumpay na operasyon ng pulisya laban sa mga wanted person, iligal na droga at smuggling ng sigarilyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLTCOL Jerry Castillo, hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niyang ipinrisinta nila sa isinagawang City Peace and Order Council (CPOC) meeting ang crime situation sa lungsod kung saan apat na krimen lamang ang naitala noong nakaraang buwan, kabilang ang dalawang kaso ng shoplifting.

Ayon kay Castillo, kabilang sa pinakamahalagang accomplishment ng kanilang himpilan ang pagkakaaresto sa mag-inang sangkot umano sa sunod-sunod na paglalaslas ng mga bag sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Aniya, base sa talaan ng Philippine National Police, paulit-ulit nang nasasangkot ang mga ito sa mga kaso ng pagnanakaw mula pa noong 2006 sa Regions 1, 2 at 3.

--Ads--

Samantala, ibinahagi rin ni Castillo ang matagumpay na kampanya ng kanilang himpilan laban sa smuggling ng sigarilyo. Kabilang dito ang magkakahiwalay na operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng daan-daang libong pisong halaga ng smuggled cigarettes at ang pinakamalaking operasyon kung saan nakumpiska ang tinatayang P82.7 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo sa isang hotel malapit sa Cauayan Airport.

Dahil dito, sinabi ni Castillo na nakatakdang magsampa ng mga kaukulang kaso ang iba’t ibang ahensya laban sa mga sangkot, kabilang ang economic sabotage at tax evasion. Inirekomenda rin aniya ng pulisya ang pagpapasara sa naturang establisimyento dahil sa pagkakadawit nito sa mga ilegal na aktibidad.

Dagdag pa ng opisyal, nakatakda ring bumuo ang lokal na pamahalaan ng isang task force na magsasagawa ng inspeksyon sa mga hotel, bodega at iba pang establisimyento upang matiyak na hindi nagagamit ang mga ito sa iligal na operasyon.

Ayon kay Castillo, malaking tulong sa kanilang kampanya laban sa kriminalidad ang kanilang regular na barangay visitation program, kung saan direktang nakikipag-ugnayan ang pulisya sa mga opisyal ng barangay upang makakuha ng impormasyon hinggil sa mga ilegal na gawain at mga taong sangkot sa krimen sa komunidad.