--Ads--

Nagpaalala ang mga otoridad sa mga estudyante at magulang kaugnay sa nalalapit na pagbubukas ng klase upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga mag-aaral sa Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLTCOL. Avelino Canceran Jr., sinabi nito na mahalagang maging alerto at responsable ang mga estudyante lalo na sa kanilang pagpasok at pag-uwi mula sa paaralan.

Hinimok din ng hepe ng pulisya ang mga magulang na bantayan at gabayan ang kanilang mga anak upang makaiwas sa anumang kapahamakan at hindi kanais-nais na insidente.

Ayon pa kay PLTCOL. Canceran, kabilang sa kanilang patuloy na paalala ang tamang pagtawid sa kalsada, pag-iwas sa pakikipag-usap o pakikipagkilala sa mga hindi kakilala, at pagiging maingat sa paggamit ng cellphone habang nasa pampublikong lugar.

--Ads--

Dagdag pa nito, paiigtingin ng Cauayan City Police Station ang police visibility sa mga paaralan at matataong lugar bilang bahagi ng seguridad ngayong balik-eskwela season.Binigyang-diin din ng opisyal na mahalaga ang sama-samang pagtutulungan ng mga otoridad, paaralan, magulang at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mga estudyante ngayong muling pagbubukas ng klase.