Ipapatawag sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sina Senator Alan Peter Cayetano at ang nakababatang kapatid nitong si dating Taguig City Mayor Lino Cayetano kaugnay ng alegasyon ng mga “ghost” flood control projects sa Taguig City.
Ayon sa ulat, sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee chairperson Senator Erwin Tulfo na hiniling ni Lino Cayetano, na nagsilbing alkalde ng Taguig mula 2019 hanggang 2022, ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga flood control project sa lungsod mula 2022 hanggang 2025 na may kabuuang halagang umaabot sa P6 bilyon.
Sinabi ni Tulfo na dapat maging handa si Alan Peter Cayetano sa pagdinig dahil mismong ang kanyang kapatid ang humiling ng imbestigasyon matapos umanong may mapansing mga isyu sa naturang mga proyekto.
Samantala, iginiit ni Alan Peter Cayetano na walang “ghost” flood control projects sa Taguig. Binatikos din nito sina Tulfo at Senator Panfilo “Ping” Lacson at kinuwestiyon ang pinagmulan ng kanilang yaman.
Inaasahang magpapatuloy ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa kontrobersiya matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27.










