--Ads--

Humiling ang Office of the Ombudsman sa Senado na isuko ang kopya ng CCTV footage kaugnay ng insidente ng pamamaril na naganap noong Mayo 13 sa loob ng gusali ng Mataas na Kapulungan.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, bahagi ito ng hiwalay na imbestigasyon ng kanyang tanggapan upang matukoy ang buong pangyayari sa naturang insidente.

Hinihingi rin ng Ombudsman ang mga video footage na nakuha ng ilang media personnel habang nagaganap ang insidente ng putukan.

Umaasa si Remulla na walang mangyayaring cover-up sa kaso.
Kasabay nito, inanunsyo rin ang anim na buwang preventive suspension laban kay Senate Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

--Ads--

Una nang inamin ni Aplasca na nagpaputok siya ng warning shot matapos umanong makumpirma ang presensya ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa GSIS wing ng Senado.

Gayunpaman, nilinaw ni NBI Director Melvin Matibag na wala silang tauhan sa loob ng Senado nang maganap ang insidente.

Nabatid na si Aplasca at Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay kapwa miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala Class of 1986.

Bago naging Senate Sergeant-at-Arms nanungkulan si Aplasca bilang retiradong Police Major General matapos siyang ma-nominate sa posisyon ni Bato noong 2025.