Ibinahagi ng pamunuan ng Cauayan District Hospital (CDH) ang mga pagbabagong isinagawa sa kanilang pasilidad kasabay ng paglilinaw sa ilang reklamong ibinabato ng publiko laban sa ilang kawani ng ospital.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Herrison Alejandro, Chief ng Cauayan District Hospital, sinabi niyang malaki na umano ang ipinagbago ng ospital kung ikukumpara noon at ngayon, partikular sa mga kagamitang medikal na magagamit ng mga pasyente. Aniya, kung dati ay kinakailangan pang pumunta ng mga pasyente sa ibang ospital upang magpa-ultrasound, ngayon ay mayroon na silang sariling ultrasound machine.
Bukod dito, mayroon na rin silang X-ray at iba pang mahahalagang kagamitang medikal na makatutulong sa mas mabilis at mas maayos na pagsusuri sa mga pasyente.
Dagdag pa ni Dr. Alejandro, kumpleto rin umano ang kanilang suplay ng mga gamot para sa tinatawag na Level 1 hospital. Ipinaliwanag niya na ang Level 1 hospital ay isang uri ng ospital na may kakayahang magbigay ng basic emergency care, general medical services, minor surgical procedures, at pangunang lunas sa mga pasyente.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng pangunahing gamot para sa karaniwang karamdaman at mga emerhensiya. Bukod sa mga kagamitang medikal at suplay ng gamot, nakatakda rin ngayong taon ang karagdagang pagpapabuti sa pisikal na pasilidad ng ospital. Kabilang dito ang muling pagpipintura ng gusali, pag-aayos at pagpapalit ng mga ilaw, at iba pang hakbang upang maging mas maaliwalas at komportable ang kapaligiran para sa mga pasyente at kanilang mga bantay.
Samantala, nilinaw din ni Dr. Alejandro ang mga isyung may kinalaman sa umano’y masusungit at hindi approachable na mga nurses at iba pang health workers sa ospital.
Hindi naman umano nila ikinakaila na may mga pagkakataong may ganitong reklamo mula sa ilang pasyente. Gayunman, tiniyak niya na bukas ang kanilang tanggapan sa pagtanggap ng mga reklamo. Aniya, kung may pasyenteng nakaranas ng hindi magandang pagtrato, maaari silang direktang magtungo sa kanyang opisina upang maiparating ang kanilang hinaing at agad na maimbestigahan ang insidente.
Binigyang-diin pa niya na kung mapatutunayang may pagkukulang o hindi tamang asal ang isang kawani, may nakalaan umanong karampatang parusa alinsunod sa umiiral na patakaran ng ospital.
Sa kabila ng mga isyu, umaasa ang pamunuan ng CDH na sa pamamagitan ng patuloy na pagpapabuti ng serbisyo at pasilidad ay mas lalo pa nilang mapapalakas ang tiwala ng publiko sa serbisyong pangkalusugan na kanilang ibinibigay.










