Sinita ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang barko ng China Coast Guard na namataan malapit sa baybayin ng Zambales, Pangasinan, at Ilocos provinces sa hilagang Luzon.
Nabatid na namataan ang Chinese Coast Guard vessel na nagpapatrulya sa pinagtatalunang bahagi ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea (WPS).
Agad na nag radio challenge ang PCG sa barko ng China at sinabing wala itong legal authority na magpatrolya sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, napansin napansin nilang tila sinusundan ng barko ang direksyong kaugnay ng tinatawag nilang “nine-dash line.”
Ang “nine-dash line” ay ang malawak na bahagi ng karagatang pilit na inaangkin ng China.
Noong 2016, pinawalang-bisa ng isang arbitral ruling ang naturang claim ng Beijing.
Ngunit ayon sa Chinese Embassy sa Maynila na ang arbitral ruling ay umano’y “political farce” at walang bisa sa kanila.
Gayunpaman, nanindigan ang pamahalaan ng Pilipinas na ang desisyon ng arbitral tribunal ay pinal at may bisa sa ilalim ng international law.
Naniniwala naman si Tarriela na kailangang i-challenge ang China tungkol sa ilegal umano nitong gawain sa WPS.











