--Ads--

Inihayag ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos na pumayag umano si Chinese President Xi Jinping na dapat muling buksan ng Iran ang Strait of Hormuz, bagamat wala pang pahayag ang China na makikialam ito sa usapin.

Pauwi mula Beijing matapos ang dalawang araw na pakikipagpulong kay Xi, sinabi ni Trump na pinag-iisipan niyang alisin ang sanctions ng US laban sa mga Chinese oil companies na bumibili ng langis mula Iran. Ang China ang pinakamalaking bumibili ng Iranian oil.

Ayon kay Trump, hindi umano siya humihingi ng pabor kay Xi kapalit ng paghimok sa Iran na buksan muli ang mahalagang daanan ng langis.

Hindi naman nagbigay ng detalye si Xi tungkol sa kanilang naging pag-uusap hinggil sa Iran. Gayunman, kinondena ng foreign ministry ng China ang nagpapatuloy na digmaan at sinabing ito ay isang conflict na hindi dapat nangyari at walang dahilan upang magpatuloy.

--Ads--

Epektibong isinara ng Iran ang Strait of Hormuz, na dinadaanan ng halos isang-kalima o 1/5 na bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas, matapos ang inilunsad na pag-atake ng US at Israel noong Pebrero 28.

Dahil sa pagkaantala ng shipping operations sa lugar, sumiklab ang pinakamalaking krisis sa suplay ng langis sa kasaysayan na nagdulot ng matinding pagtaas sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Samantala, sinabi ni Ebrahim Azizi, pinuno ng national security committee ng Iranian parliament, na naghanda na ang Tehran ng mekanismo upang pamahalaan ang daloy ng mga sasakyang pandagat sa Strait of Hormuz sa pamamagitan ng isang itatalagang ruta na iaanunsyo sa lalong madaling panahon.