--Ads--

Sinimulan na ng mga awtoridad ang clearing operations sa iba’t ibang bahagi ng lungsod bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa mga pangunahing kalsada.

Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin, kabilang sa kanilang tinututukan ang mga lugar na madalas pagmulan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko, partikular sa paligid ng mga paaralan at iba pang matataong lugar.

Aniya, bahagi ng kanilang operasyon ang pagtanggal ng mga nakahambalang sa kalsada at mga ilegal na istruktura na nagdudulot ng panganib sa mga motorista, estudyante at mga pedestrian.

Bukod dito, mahigpit ding binabantayan ng kanilang tanggapan ang mga construction site upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa itinakdang safety measures at hindi nakakaabala sa daloy ng mga sasakyan at mamamayan.

--Ads--

Dagdag pa ni POSD Chief Mallillin, mahalagang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko lalo na sa pagbubukas ng klase kung saan inaasahang muling dadami ang mga estudyante at commuters sa lansangan.

Kasabay nito, nanawagan din si Mallillin sa mga barangay captain na makipagtulungan sa kanilang tanggapan sa pagpapatupad ng kaayusan sa kani-kanilang nasasakupan upang mas maging epektibo ang clearing operations at maiwasan ang anumang abala sa publiko.