Sinamantala ng ilang college students sa Cauayan City ang huling araw ng aplikasyon para sa March 2027 Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT) ngayong Nobyembre 19.
Kabilang sa mga aplikante si Jenica Gonzales, third-year student ng Isabela State University (ISU) Cauayan, na nag-apply kasama ang kaniyang mga kaibigan upang magkaroon ng civil service eligibility na maaari nilang magamit sa hinaharap.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gonzales na hinikayat siya ng kaniyang kapatid na kumuha ng pagsusulit at plano niyang gamitin ang nalalapit na bakasyon sa pagrereview.
May Professional at Subprofessional levels na maaaring pagpilian ang mga aplikante. Hindi rin kailangang college graduate upang makapagsulit, basta’t natutugunan ang mga kwalipikasyon ng CSC.
Nakatakda ang CSE-PPT sa Marso 14, 2027, habang inaasahang ilalabas ang resulta sa Mayo 11, 2027.






