--Ads--

Naniniwala ang isang constitutional law expert na dapat pantay ang pagpapatupad ng batas sa lahat at hindi lamang sa iilang personalidad, kasabay ng panawagang tiyaking walang pinipili ang pamahalaan sa pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, sinabi niyang mahalagang mapanatili ang tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya sa pamamagitan ng patas at walang kinikilingang pagpapatupad ng batas.

Kasabay nito, iginiit niya na karapatan ng bawat mamamayan ang magsagawa ng mapayapang rally at iba pang pagtitipon dahil ito ay kinikilala ng Konstitusyon. Gayunman, dapat pa rin aniyang sumunod ang mga organizer sa umiiral na batas, kumuha ng kaukulang permit, at tiyaking hindi naaabala ang publiko.

Ayon kay Atty. Cayosa, kahit may permit ang isang grupo upang magsagawa ng rally, hindi pa rin ito dapat magdulot ng matinding abala sa mga motorista, commuter, at iba pang mamamayan.

--Ads--

Samantala, tinukoy rin niya ang usapin ni Sen. Rodante Marcoleta, na ayon sa kanya ay umamin umano sa isang affidavit at sa isang programa sa radyo na tumanggap ng campaign donations na itinuring na regalo bago ang halalan.

Aniya, kung mapatutunayang may kaugnayan ang naturang mga donasyon sa pagganap ng opisyal na tungkulin at hindi naideklara alinsunod sa batas, maaari itong masuri sa ilalim ng mga umiiral na batas laban sa katiwalian, depende sa mga ebidensyang ihaharap sa hukuman.

Dagdag pa niya, matagal nang naiparating ang naturang usapin sa mga kinauukulang ahensya at may mga pahayag umanong lumabas mula sa Commission on Elections na maaaring may pananagutan sa kaso, bagama’t hindi ito itinuring na election offense.

Binigyang-diin ni Cayosa na kung hindi kikilos ang mga kinauukulang ahensya sa kabila ng mga reklamong inihain at mga ebidensyang naisumite, maaaring magkaroon ng pagdududa ang publiko sa patas na pagpapatupad ng batas.

Gayunman, nilinaw niyang mahalagang igalang ang due process at tiyaking mabibigyan ng patas na pagdinig ang bawat akusado bago maglabas ng anumang hatol.

Hindi pa nakukuha ng Bombo Radyo ang panig ni Marcoleta kaugnay ng mga pahayag at isyung binanggit ni Cayosa.