Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Cauayan City Police Station at iba pang unit ng Philippine National Police ang isang 27-anyos na construction worker na wanted sa kasong Other Acts of Child Abuse sa ilalim ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act matapos silbihan ng warrant of Arrest.
Kinilala ng pulisya ang akusado sa alyas na “Troya,” residente ng Barangay District 3, Cauayan City.
Batay sa ulat, isinilbi sa suspek ang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 20, Cauayan City noong Mayo 19, 2026. May inirekomendang piyansa itong nagkakahalaga ng ₱80,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng iba’t ibang unit ng Philippine National Police.
Bago ang pag-aresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine at Republic Act 9745 o Anti-Torture Act of 2009. Gumamit din ang mga operatiba ng Alternative Recording Device (ARD) bilang bahagi ng dokumentasyon ng operasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station ang akusado para sa booking procedures at iba pang kaukulang legal na proseso bago iharap sa korte na naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya.










