
CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng contact tracing para sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa delta variant sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Rodito Albano na inaalam na kung sino ang mga tinamaan ng delta variant at nagsasagawa na rin ng contact tracing.
Sa kabila nito ay tumanggi muna ang gobernador na sabihin kung saang lugar sa Isabela galing ang mga naturang nagpositibo.
Aniya, inasahan na nila na makapagtala ang lalawigan ng naturang variant ng COVID-19 dahil hindi naman ito mapipigilan lalo na at nagmumutate ang virus.
Ang dapat gawin na lamang ngayon ay maging handa sa pamamagitan ng pagpapabakuna, palakasin ang resistensya, sumunod sa mga health protocols at huwag lumabas ng tahanan kung hindi kailangan.
Ayon sa kanya, hindi biro ang delta variant kaya kahit magbigay ng ayuda ang pamahalaan ay balewala lamang kung tatamaan ng virus.
Sa ngayon ay titignan pa niya kung ano pa ang mga idaraggdag sa mga panuntunang umiiral sa lalawigan.
Pinayuhan naman niya ang mga mamamayan na huwag magpanic at sa halip ay sumunod sa mga health protocols dahil ito lamang ang nakikitang dahilan para mapigilan ang pagkalat ng virus.










