--Ads--

CAUAYAN CITY – Lalo pang lumobo ang bilang ng mga pasyente na may COVID-19 sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na kaninang alas siete ng umaga ay nasa 174 na ang COVID-19 patients sa COVID ward ng pagamutan.

Bukod dito ay may mga naghihintay pa na 18 sa kanilang mga tents o waiting area.

Aniya, sa 174 na pasyente ay 141 ang kumpirmadong kaso.

--Ads--

Pinakamataas ang lalawigan ng Cagayan na may 122 at 66 rito ang mula sa lunsod ng Tuguegarao.

Labing anim naman ang mula sa Isabela at karamihan ay mula sa Lunsod ng Ilagan na may walo.

Mayroon ding mula sa Apayao na dalawa at isa sa Kalinga.

Mayroon namang 37 na suspect patients ang COVID ward ng CVMC at pinakamarami pa rin ang Cagayan na may 32.

Dalawa naman sa Isabela gayundin sa Apayao habang isa sa Kalinga.

Aniya, nakakaalarma na ito dahil ito na ang pinakamataas na kanilang naitala simula nang mag-umpisa ang COVID-19.

Dahil dito, maaring mayroon ng delta variant sa mga lalawigan ng Isabela at Cagayan dahil sa biglang pagdami ng kaso ng COVID-19.

Payo niya sa publiko na mag-ingat, huwag maging kampante at ipagpatuloy lamang ang pagsusuot ng facemask, faceshield, pagsunod sa social distancing at paghuhugas ng kamay.

Magpabakuna na rin kung may pagkakataon para mapigilan ang paglaganap ng bagong variant ng COVID-19.

Tinig ni Dr. Glenn Mathew Baggao.