Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsusuri sa reklamong inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Villar Land Holdings Corp., sa mga opisyal nito, at sa mga kaugnay na kompanya.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon nitong Lunes, kailangan munang dumaan sa masusing pagsusuri ang reklamo bago magdesisyon kung magsasagawa ng preliminary investigation, na siyang magtatakda kung ibabasura o ihahain sa korte ang kaso.
Sa reklamong inihain ng SEC noong Enero 30, inakusahan ang Villar Land ng umano’y market manipulation at insider trading.
Kabilang sa mga respondent sina Manuel B. Villar Jr., chairman ng Villar Land; dating Senadora Cynthia Villar; at ang kanilang mga anak na sina Manuel Paolo, Camille, at Mark. Kasama rin ang mga independent director at iba pang opisyal ng kompanya at mga kaugnay na kompanya.











