Sa gitna ng mga ulat tungkol sa umano’y pagkakadakip kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, nilinaw ng Ministry of Justice ng Czech Republic na wala pa silang natatanggap na opisyal na impormasyon hinggil sa sinasabing pag-aresto.
Ayon kay Ministry Spokesperson Markéta Andrová, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa pulisya na kasalukuyang nag-iimbestiga sa mga pangyayari kaugnay ng naturang indibidwal.
Nauna rito, iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naaresto umano si Co sa Prague at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad. Si Co ay itinuturing na “fugitive from justice” matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan.
Nahaharap ang dating kongresista sa mga kasong plunder at malversation kaugnay ng umano’y multi-billion peso flood control scandal sa bansa.
Patuloy pang inaalam ng mga kinauukulang ahensya ang tunay na estado ng sitwasyon habang hinihintay ang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad sa Czech Republic.











