--Ads--

Naglabas ng pahayag ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) kaugnay ng pag-aresto at pagpapalaya sa tatlong indibidwal sa Kasibu, Nueva Vizcaya, matapos ang mga alegasyon ng harassment at intimidation.

Ayon sa NVPPO, rumesponde ang mga pulis matapos harangan ng mga indibidwal ang isang municipal road na ginagamit bilang pangunahing daanan ng mga residente at ruta ng truck na naghahatid ng materyales para sa isang government infrastructure project.

Sinabi ng pulisya na pinangunahan ni PCPT Lloyd Guillermo, hepe ng Kasibu Police Station, ang ilang oras na pakikipag-usap sa mga nagbarikada upang maresolba ang sitwasyon nang mapayapa. Gayunman, hindi umano inalis ang harang kaya kinailangan nang ipatupad ng mga awtoridad ang batas at buksan ang kalsada.

Iginiit ng NVPPO na kinikilala nito ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag at magsagawa ng mapayapang pagkilos. Gayunman, hindi umano saklaw nito ang pagharang sa pampublikong kalsada, pagpigil sa legal na paghahatid ng mga materyales at hindi pagsunod sa mga legal na direktiba ng pulisya.

--Ads--

Binigyang-diin ng NVPPO na ang pag-aresto ay bahagi umano ng pagpapatupad ng batas at hindi pagtatangka na takutin o patahimikin ang environmental advocates.

Samantala, nabigyan ng pagkakataong makapagpiyansa ang tatlong indibidwal at nakalaya na alinsunod sa umiiral na legal na proseso.