CAUAYAN CITY- Tugon umano ng Department of Agriculture o DA Region 2 sa mababang presyo ng palay ang mga financial assistance, libreng binhi at abono sa mga magsasaka.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director ng DA Region 2 sinabi niya na talagang mababa ang presyo ng palay sa merkado dahil sa dry o tuyo ay nasa P18 lamang habang sa fresh naman ay nasa P14.
Nasa peak season na kasi ang anihan sa Region 2 at sumabay pa ang pag-import ng palay ng pamahalaan sa ibang bansa kaya apektado ang presyo.
Kung malaki aniya ang suplay at mababa ang demand ay sumasabay na bumababa ang presyuhan sa world market.
Upang makaagapay sa mga magsasaka ay patuloy ang pamamahagi ng ahensya ng mga tulong tulad ng mga financial assistance, libreng binhi at abono upang kahit papaano ay makakabangon pa rin sila sa mababang presyo ng kanilang aning palay.
Tiniyak naman niya na patuloy ang kanilang rice farmers financial assistance na mula sa taripang nakolekta ng pamahalaan sa pag-import ng bigas sa ibang mga bansa.
Aniya dumami ang taripang nakolekta kaya lumaki rin ang financial assistance na ibibigay sa mga magsasaka.
Itinuturing naman itong partial replacement sa income loss mula sa umiiral na Rice Tariffication Law.
Aniya hanggat may free trade agreement ang Pilipinas sa ibang bansa ay magpapatuloy ang rice importation na makakaapekto naman sa mga lokal na magsasaka ng palay.
Hinikayat naman niya ang mga magsasaka na kapag may sariling miller ang kanilang kooperatiba ay mas maiging bigas na lamang ang ibenta sa merkado at hindi na palay na hindi pa nakikiskis.
Mas makakatiyak pa silang maibebenta ito sa mas mahal na presyo at tiniyak din niyang patuloy ang mga tulong na ibibigay ng pamahalaan.