Umabot na sa mahigit 300 pamilya ang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng SOCCSKSARGEN at Zamboanga City dahil sa malalakas na pag-ulan na dulot ng habagat na pinalakas ng Bagyong Kiyapo.
Sa Sarangani, ilang bahay ang inanod ng rumaragasang baha habang nasira rin ang ilang tulay at kalsada. Umabot sa 314 pamilya ang inilikas sa mga evacuation center sa mga bayan ng Malapatan, Glan at Maitum.
Sa General Santos City, binaha ang ilang kabahayan sa Barangay Calumpang at lumikas ang mga residente sa evacuation center. Isang lalaki rin ang tinangay ng malakas na agos ng ilog ngunit nakaligtas.
Nakaranas din ng pagbaha ang mga bayan ng Maasim, Kiamba at Lambayong sa Sultan Kudarat, kung saan maraming bahay at kalsada ang nalubog sa tubig-baha.
Samantala, pansamantalang isinara ang bahagi ng Arakan-Davao Road sa Cotabato matapos magkaroon ng landslide, habang ilang motorista naman sa Zamboanga City ang naapektuhan ng pagbaha.
Patuloy ang monitoring at assessment ng mga awtoridad sa mga lugar na apektado ng kalamidad.










