Hinikayat ng Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela ang mga naghahanap ng trabaho, lalo na ang mga bagong graduate, na samantalahin ang serye ng mga job fair na isasagawa sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan upang magkaroon ng agarang oportunidad na makapasok sa trabaho.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ralph Domingo, Job Fair Focal Person ng DOLE Isabela, sinabi nito na inilunsad ng kanilang tanggapan ang sunod-sunod na job fair kasabay ng graduation season upang matulungan ang mga nagsipagtapos at iba pang job seekers na makahanap ng mapapasukang hanapbuhay.
Ayon kay Domingo, inaasahan nilang mas marami ang maghahanap ng trabaho sa panahong ito kaya nakikipag-ugnayan ang DOLE sa mga lokal na pamahalaan at mga paaralan upang mailapit sa publiko ang mga oportunidad sa empleyo. Kabilang sa mga nakatakdang job fair ang sa bayan ng San Manuel bukas, Hunyo 24, habang magkakaroon naman ng magkahiwalay na job fair sa Hunyo 30 sa Cauayan City at sa Isabela State University-Echague Campus.
Nakatakda rin ang job fair sa Roxas, Isabela sa Hulyo 3 at sa ISU San Mariano sa Hulyo 6. Samantala, ang pinakamalaking job fair sa lalawigan ay isasagawa sa City of Ilagan sa Hulyo 30 kung saan inaasahang lalahukan ito ng mas maraming kumpanya at aplikante mula sa iba’t ibang bahagi ng Isabela.
Sinabi pa ni Domingo na iba’t ibang lokal at pambansang kumpanya ang inaasahang makikilahok sa mga job fair at mag-aalok ng daan-daang bakanteng posisyon para sa mga kwalipikadong aplikante.
Dahil dito, pinayuhan ng DOLE Isabela ang mga dadalo na magdala ng maraming kopya ng kanilang resume o curriculum vitae, valid identification cards at iba pang kinakailangang dokumento upang maging handa sa mga posibleng on-the-spot interview at hiring process.
Umaasa ang ahensya na sa pamamagitan ng mga job fair ay mabibigyan ng mas mabilis at mas madaling pagkakataon ang mga Isabeleño na makahanap ng trabaho at makapagsimula ng kanilang karera o kabuhayan.











