--Ads--

Pinaiigting ng mga opisyal ng Barangay Dadap sa Luna, Isabela, ang pagbabantay sa Dadap Cemetery matapos maiulat ang pagkawala ng ilang kagamitang bakal, kabilang ang mga rehas at padlock sa loob ng sementeryo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Noel Idmilao ng nasabing barangay, sinabi niyang nakatanggap ang barangay ng impormasyon mula sa kapulisan hinggil sa mga nawawalang kagamitan, dahilan upang agad niyang atasan ang mga barangay tanod na magsagawa ng pag-iikot sa lugar, partikular tuwing gabi.

Layunin umano nito na matukoy kung may mga taong pumapasok sa sementeryo at kumukuha ng mga bakal o iba pang kagamitan.

Gayunman, wala pa umanong nahuhuling indibidwal ang mga barangay tanod na direktang makikitang kumukuha ng mga kagamitan, habang wala pa ring natutukoy na responsable sa mga insidente.

--Ads--

Ayon kay Kagawad Idmilao, maging isang kamag-anak niya ay nakaranas umano ng pagkawala ng mga kagamitang bakal sa naturang sementeryo. Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng barangay sa kapulisan para sa imbestigasyon at pagkalap ng karagdagang impormasyon at ebidensya.

Isa rin sa mga tinitingnang anggulo ng barangay ang posibilidad na ang mga responsable ay mula sa ibang lugar, lalo na at maraming dumaraan sa kalsadang malapit sa sementeryo.

Samantala, napansin ng Bombo Radyo news team sa pagpunta sa lugar na wala itong CCTV camera na maaaring makatulong sa imbestigasyon. Malayo rin ang bahagi ng sementeryo sa mga kabahayan at mayroon itong mga bukas at sirang gate o pasukan.

Dahil dito, patuloy na hinihikayat ng barangay ang mga residente at mga bumibisita sa sementeryo na agad ireport sa barangay o sa kapulisan ang anumang kahina-hinalang kilos o insidente upang maimbestigahan at mapatunayan ang mga ulat hinggil sa pagkawala ng mga kagamitan.