Pinangangambahan ng grupo ng mga magsasaka ang malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na tiyak na makaaapekto sa kanilang sektor.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairman Rosendo So ng SINAG, nakatitiyak siya na kasabay ng oil price hike ay ang pagtaas din ng presyo ng mga farm fertilizers o pataba na byproduct ng petroleum.
Maliban dito ay pangangailangn ng mga magsasaka na gumamit ng diesel para sa kanilang makinarya lalo na ngayong tag-init na limitado lamang ang tubig sa mga irigasyon hanggang buwan ng Hunyo.
Maliban sa agricultural crops ay apektado rin ang produksyon ng mga livestock animals bunsod ng maaari ring pagtaas ng presyo ng feeds.
Binigyang-diin nito na malaking bagay ang feul subsidy sa mga magsasaka subalit hindi maikakaila na maliit na tulong lamang ito sa pag-ibsan sa kanilang pasanin.
Nananawagan naman siya sa pamahalaan na mas paigtingin pa ang suporta sa mga magsasaka nang sa ganoon ay hindi maapektuhan ang food security sa bansa.







