--Ads--

Nasawi ang hindi bababa sa dalawang katao habang daan-daang iba pa ang nailigtas matapos hagupitin ng malalakas na pag-ulan at malawakang pagbaha ang ilang bahagi ng Central Texas sa Estados Unidos.

Ayon kay Texas Governor Greg Abbott, kabilang sa mga nasawi ang isang lalaki na tinangay ng rumaragasang tubig-baha malapit sa Comfort, Texas at isa pang lalaki na nalunod matapos tangayin ng baha sa Uvalde County.

Sa ulat ng mga awtoridad, umabot sa mahigit 230 rescue operations ang isinagawa habang libu-libong residente ang naapektuhan ng pagbaha dulot ng ilang araw na walang tigil na pag-ulan. Nagpakalat ang estado ng mahigit 2,300 emergency responders, 85 bangka, 21 sasakyang panghimpapawid at mahigit 1,400 rescue vehicles upang tumulong sa mga apektadong lugar.

Pinakamatinding tinamaan ang mga county ng Kerr, Uvalde at iba pang bahagi ng Texas Hill Country kung saan mabilis na umapaw ang mga ilog at sapa, dahilan upang magsara ang mga pangunahing lansangan at tulay. May ilang komunidad din na pansamantalang na-isolate dahil sa taas ng tubig-baha.

--Ads--

Ayon sa National Weather Service, may mga lugar na nakatanggap ng hanggang 28 pulgada ng ulan sa loob lamang ng ilang araw na nagdulot ng mapanganib na flash floods at pagtaas ng tubig sa mga pangunahing ilog sa rehiyon.