Hindi bababa sa 160 katao ang nasawi habang daan-daan pa ang nawawala matapos ang malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa hangganan ng Nepal at Tibet na nagwasak sa mga komunidad at pamilihan.
Ayon sa mga awtoridad, kabilang sa mga nawawala ang mahigit 400 turista, karamihan ay mga dayuhan mula sa iba’t ibang bansa.
Nakarekober na ang pulisya ng Nepal ng 157 bangkay habang iniulat naman ng China na tatlo ang nasawi at 265 pa ang nawawala matapos ang mudslide sa isang border hub sa Tibet.
Nagpakilos ang pamahalaan ng Tibet ng halos 800 emergency responders at iba pang kagamitan para sa search and rescue operations, habang patuloy ring naglilikas ng mga residente sa mga lugar na nanganganib bahain.
Pinaniniwalaang isang lindol ang nagdulot ng pagguho ng lupa na humarang sa daloy ng ilog at naging sanhi ng pagbaha.
Nagbabala rin ang mga eksperto sa posibilidad ng panibagong pagbaha dahil sa nananatiling bara sa ilog sa Nepal-China border, kaya nagpapatuloy ang pagbabantay at paglilikas sa mga residente sa mga delikadong lugar.











