--Ads--

Naaresto ang dalawang indibidwal sa isinagawang operasyon sa isang paupahan sa Dacanay Street, Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela, pasado alas-10:00 ng umaga ngayong Setyembre 24, 2026, matapos umano silang maaktuhang nagsasagawa ng pot session.

Kinilala ang mga naaresto sa kanilang mga alyas na “Roger,” 31-anyos, butcher at residente ng Barangay Turayong, Cauayan City, at “Ben,”  28 anyos, residente ng Ilagan City.

Batay sa paunang impormasyon ng pulisya, nasa loob umano ng paupahan ang dalawang indibidwal nang isagawa ang operasyon, kung saan nakita umano silang sangkot sa paggamit ng hinihinalang illegal na droga.

Sa isinagawang operasyon, narekober umano ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaniniwalaang shabu, gayundin ang isang maliit na bukas na plastic sachet na may puting crystalline substance na pinaniniwalaang shabu.

--Ads--

Bukod dito, nakuha rin umano sa lugar ang dalawang Android cellphone, isang National ID, dalawang lighter, isang sirang lighter at isang blue drawing brush.

Dahil dito, kabilang sa tinitingnan ng mga awtoridad ang posibleng paglabag na may kaugnayan sa possession at paggamit ng illegal na droga, habang isinasailalim sa kaukulang pagsusuri at dokumentasyon ang mga nakumpiskang ebidensya.

Samantala, itinanggi ni alyas “Roger” ang umano’y paggamit ng illegal na droga.

Ayon sa kanya, pauwi na sana siya nang kaladkarin umano siya ng isang hindi niya kilalang indibidwal at dalhin sa loob ng nasabing paupahan.

Samantala, sinabi naman ni alyas “Ben” na naghuhugas siya ng pinaglagyan ng karne nang marinig umano ang pagsigaw ni alyas “Roger,” dahilan upang magtago siya sa loob ng isang kuwarto.

Itinanggi rin ni alyas “Ben” ang paggamit ng illegal na droga at sinabi na ang nauna niyang kinakaharap na kaso ay may kaugnayan umano sa physical injury at hindi sa illegal na droga.

Patuloy namang bineberipika ng mga awtoridad ang insidente, kabilang ang pagkakakilanlan at pinagmulan ng mga hinihinalang illegal na droga at ang eksaktong pagkakasangkot ng dalawang indibidwal sa naturang insidente.

Dinala sa kustodiya ng pulisya ang dalawang naaresto para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon, habang isinasagawa ang karagdagang imbestigasyon at pagsusuri sa mga nakumpiskang ebidensya.