--Ads--

Dalawang lalaki ang naaresto sa isang buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC), katuwang ang iba pang hanay ng PNP, sa Purok Sampaguita, Barangay Tucanon, Aritao, Nueva Vizcaya, madaling-araw ng Hunyo 15, 2026.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Mike,” 36, negosyante, at alyas “Neil,” 44, driver, kapwa residente ng Talavera, Nueva Ecija. Nahuli ang mga ito matapos umanong magbenta ng mga pekeng modern cigarettes sa isinagawang buy-bust operation.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 574 reams ng iba’t ibang uri ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng Php373,100.00, isang Mitsubishi Adventure, at dalawang cellular phone.

Ayon sa pulisya, nabigo ang mga suspek na magpakita ng kaukulang dokumento para sa pagmamay-ari at pagbebenta ng mga nasabing sigarilyo. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 8424 o National Internal Revenue Code kaugnay ng pagbebenta at pag-iingat ng mga undocumented at counterfeit cigarettes.

--Ads--

Sa pahayag ni PBGen Mariano C. Rodriguez, Regional Director ng Police Regional Office 2, pinuri niya ang mga kapulisan sa likod ng matagumpay na pag-aresto sa mga suspek.