--Ads--

Haharap si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa Senate Impeachment Court ngayong Setyembre 29 at 30 para tumestigo sa impeachment case laban sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Senate President at impeachment court presiding officer Francis Escudero, hiniling ng alkalde na bigyan siya ng sapat na oras para ihanda at ayusin ang mga dokumentong na-subpoena na may kaugnayan sa kanyang testimonya. Pinagbigyan naman ito ng korte.

Inaasahang tatanungin si Baste tungkol sa mga kontrata ng Davao City sa GenCorp Industries, na nakakuha ng 15 kontrata mula sa lungsod na nagkakahalaga ng mahigit ₱34.2 milyon, ayon sa PhilGEPS witness.

Nabanggit ang GenCorp sa 2024 at 2025 SALN ni VP Sara bilang isa sa kanyang business interests. Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng Securities and Exchange Commission na hindi lumilitaw ang pangalan ng Vice President bilang incorporator, director o stockholder sa corporate records ng kumpanya.

--Ads--

Nauna nang sinabi ni Baste na wala siyang alam sa umano’y pagkakasangkot ng kanyang kapatid sa GenCorp dahil hindi umano lumilitaw ang pangalan nito sa mga dokumento ng kumpanya.