Idineklarang hostile witness ng Senate impeachment court si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Ibig sabihin, maaari nang magtanong nang leading questions ang prosecution counsel na si Theodore Te matapos maitatag ng korte na may adverse interest si Baste sa mga isyung tinatalakay sa paglilitis.
Ayon kay Senate President at presiding officer Francis Escudero, maaaring maharap sa pananagutan si Baste sakaling mapatunayan ang mga alegasyong iniuugnay sa kanya sa naturang kaso.
Bago ang ruling, kinompronta ni Te si Baste sa ilang dati nitong pahayag, kabilang ang pahayag nitong ang impeachment trial ay layong pigilan ang kanyang kapatid na tumakbo sa 2028 elections. Kinumpirma naman ni Baste na sinabi niya ito batay sa kanyang sariling pananaw.
Kinumpirma rin niya ang isang Facebook post noong Setyembre 21 kaugnay sa GenCorp Industries Inc., kung saan nagbabala siya laban sa umano’y mapanlinlang na mga pahayag at mga naratibong may layuning magsilbi sa pansariling interes at pulitikal na motibo.
Sinabi rin ni Baste na dumalo siya sa impeachment trial dahil sa subpoena ng korte at hindi siya kusang-loob na haharap bilang testigo.
Kaugnay ang kanyang pagtestigo sa mga kontrata ng Davao City government sa GenCorp, kumpanyang idineklarang may business interest si Vice President Sara Duterte sa kanyang 2024 at 2025 SALN. Ayon sa mga rekord na iniharap sa paglilitis, nakipagtransaksyon ang Davao City government sa GenCorp sa ilang kontratang nagkakahalaga ng mahigit ₱33 milyon.
Bahagi ito ng Article II ng impeachment case na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian at umano’y kabiguan ng bise presidente na i-divest ang kanyang business interests habang nanunungkulan.











