--Ads--

Nagpahayag ang kampo ni Vice President Sara Duterte na hindi na umano nakakagulat ang naging findings ng House Committee on Justice na may probable cause laban sa kanya, batay sa direksiyon ng mga nagdaang pagdinig.

Ayon sa kanilang pahayag, nananatili silang naniniwala na ang naging proseso ng komite ay lumihis sa itinatakda ng Konstitusyon. Sa halip na manatili sa mga verified complaints at mga kalakip na dokumento, pinalawak umano ang saklaw ng pagtalakay sa mga usaping nararapat lamang sanang dinggin sa isang ganap na paglilitis.

Samantala, bumoto ang House Committee on Justice na may probable cause sa impeachment complaint laban sa bise presidente.

Kabilang sa mga alegasyon ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, at pagbabanta umano sa Pangulo, Unang Ginang, at dating House Speaker.

--Ads--

Sa mga naunang pagdinig, inilatag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang ulat hinggil sa P6.7 bilyong halaga ng mga transaksiyon na umano’y hindi tumugma sa mga isinumiteng SALN ng mag-asawa.

Ang finding ng probable cause ay magtutulak sa impeachment case na dalhin sa plenaryo ng Kamara. Kapag ito ay naaprubahan, ililipat naman ang kaso sa Senado para sa isang impeachment trial.