Isang pambihirang tanawin ang matatagpuan sa katubigan ng Babuyan Islands sa Cagayan matapos lumitaw ang Didicas Volcano Island, na itinuturing na pinakabatang pulong bulkan sa Pilipinas.
Sa isang ulat ibinahagi ng content creator na si Joseph ‘Sef’ Pasalo ang kaniyang karanasan sa pagbisita sa naturang isla kasama ang kaniyang live-in partner na si Annabel Prisno.
Ayon kay Sef, nahikayat silang tuklasin ang mga liblib na lugar na nagtataglay ng natatanging kagandahan. Una niyang nalaman ang tungkol sa Didicas Island matapos bumisita sa Babuyan Claro, isa ring aktibong bulkan sa lugar.
Batay sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, unang namataan ang Didicas Volcano noong dekada 1700 bilang isang submarine volcano o bulkan na nasa ilalim pa ng dagat. Ipinaliwanag na patuloy itong lumalaki dahil sa pag-angat ng magma mula sa kailaliman ng lupa na nagtutulak sa mga bato sa ilalim ng karagatan.
Noong 1856, unti-unting lumitaw ang bulkan sa ibabaw ng dagat dahil sa sunod-sunod nitong pagputok. Ang huling naitalang pagsabog nito ay noong 1978.
Bahagi ang Didicas Volcano ng Babuyan Volcanic Chain, na binubuo ng iba pang aktibong bulkan tulad ng Smith Volcano, Babuyan Claro, at Camiguin de Babuyanes Volcano.
Sa kabila ng taglay nitong likas na kagandahan at kakaibang kasaysayan, nananatiling mapanganib ang paninirahan sa Didicas Volcano Island dahil sa patuloy nitong aktibidad at pabago-bagong kondisyon ng lupa. Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat sa pagbisita sa naturang lugar.








