--Ads--

Kinondena ni Department of the Interior and Local Government o DILG Secretary Jonvic Remulla ang naging asal ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio matapos itong masangkot sa mainitang palitan ng salita at akusasyon kasama ang ilang barangay officials sa regular session ng Sangguniang Bayan nitong Lunes.

Ayon kay Remulla, hindi katanggap-tanggap ang naging asal ng bise alkalde at titingnan ng DILG kung ano ang maaaring gawin upang maituwid ito.

Sinabi rin ng kalihim na maaaring makita at matutuhan ng mga bata bilang normal na asal ang ganitong pag-uugali ng mga lokal na opisyal.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang sesyon habang tinatalakay ang mga proyektong pinondohan mula sa tobacco excise tax. Kinuwestiyon ni Respicio ang ilang barangay officials hinggil sa implementasyon ng mga proyektong pinondohan noong nakaraang taon at tinawag na “magnanakaw” ang isang barangay captain.

--Ads--

Inamin din ni Respicio na napalo niya ang mesa habang umiinit ang kanilang palitan.

Ayon naman kay Respicio, layunin lamang niyang matiyak kung tama ang paggamit sa pondo at magpapatuloy ang pagsusuri ng Sangguniang Bayan sa mga proyekto, katuwang ang municipal planning, engineering, treasury at accounting offices.

Nakatakda namang ipagpatuloy ang pagtalakay sa isyu sa susunod na sesyon sa Oktubre 8.