--Ads--

Pinuri ng isang tennis enthusiast ang ipinakitang disiplina at mahusay na taktika ni Alex Eala matapos nitong magtala ng panibagong impresibong panalo sa torneo, kabilang ang kanyang tagumpay laban sa dating World No. 2 na si Elena Rybakina, na nagbigay sa kanya ng matinding momentum para sa mga susunod na laban.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Frince Villanueva, isang dating coach at tennis enthusiast sa ISU Lawn Tennis, sinabi nito na higit na umasa si Eala sa tactical discipline kaysa sa lakas ng kanyang mga tira. Ayon sa kanya, may mga manlalarong nakadepende sa kani-kanilang playing style, ngunit nakatuon si Eala sa pagiging disiplinado sa bawat aspeto ng kanyang laro.

Dagdag ni Villanueva, naging maganda ang kampanya ni Eala dahil agresibo nitong inaatake ang bawat serve ng kanyang mga kalaban at naiko-convert ang mga ito sa puntos na nagiging game-changing sa takbo ng laban.

Aniya, hindi na nakakagulat ang naging panalo ni Eala dahil nagawa rin nitong talunin si Rybakina sa straight sets, bagay na nagbigay sa kanya ng kumpiyansa at malakas na momentum patungo sa mga susunod na yugto ng torneo.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na kilala si Rybakina bilang isang napakakompetitibong manlalaro kaya malaking tagumpay para kay Eala ang naitalang panalo laban dito.

Ayon pa kay Villanueva, mahusay na namaster ni Eala ang disiplina sa laro dahil hindi ito nagpapadala sa pressure at nagagawa nitong kontrolin ang mga shot ng kalaban. Dahil dito, nahihirapan ang kanyang mga katunggali at nagkakaroon pa ng mga double fault.

Kapansin-pansin din umano ang pag-angat ng kumpiyansa ni Eala matapos nitong magkampeon sa Birmingham Open, dahilan upang mas maging kalmado at epektibo ito sa loob ng court.

Para naman sa susunod nitong laban kontra sa Czech player na si Linda Nosková, sinabi ni Villanueva na kinakailangang mag-adjust ni Eala sa kanyang return positions, pahabain ang mga rally, at bawasan ang mga service errors upang mapataas ang tsansa nitong makuha ang panalo laban sa isang manlalarong kilala sa malalakas na serve.