Nagpulong ang Department of Migrant Workers (DMW) kasama ang mga Filipino community leaders na nasa United Arab Emirates (UAE) upang talakayin ang mga posibleng ayuda para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sakaling tumaas sa Alert Level 2, 3, o 4 ang sitwasyon ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Joekenneth Devera Dumbrigue, sinabi niyang nakahanda ang DMW at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magbigay ng tulong pinansyal at kinakailangang medikal sa mga OFW na maaapektuhan ng kaguluhan, kabilang ang mga nagtatrabaho sa paliparan sa Dubai.
May nakahanda ring evacuation plan patungo sa mga itinuturing na ligtas na lugar o safe shelters. Maglalaan din ang mga ahensiya ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, at iba pang basic necessities.
Nakikipag-ugnayan din ang mga opisyal sa pamahalaan ng UAE upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa, lalo na ang mga patuloy pa ring pinapapasok ng kanilang mga employer sa kabila ng umiiral na tensyon.
Dagdag pa ni Dumbrigue, isasagawa lamang ang repatriation kung itataas sa Alert Level 3 o 4 ang sitwasyon. Dahil kasalukuyang sarado ang airspace ng UAE, inihahanda ang mga alternatibong ruta sakaling kailanganin ang paglikas, kabilang ang pagbiyahe by land patungong mga karatig-bansa gaya ng Oman at Saudi Arabia.
Samantala, tinatayang nasa 80 hanggang 100 Pilipino na ang nagpahayag ng kagustuhang magpa-repatriate sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, naglabas na rin ng pahayag ang pamahalaan ng UAE na nananatiling ligtas ang bansa at maaari nang ipagpatuloy ang mga aktibidad ng mga residente at bisita.
Samantala, patuloy ang pangamba ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa United Arab Emirates kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng United States at Israel laban sa Iran.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Jimboy Suguitan, nagpapasalamat pa rin ang mga Pilipino roon dahil nai-intercept ng gobyerno ng UAE ang ilang missile attack at drone shot na posibleng tumama sa kanilang lugar. Gayunman, hindi pa rin umano sila kampante dahil may mga debris na bumabagsak sa lupa na nagdudulot ng panganib.
Kaugnay nito, naiulat ang pagkasunog sa ilang bahagi ng Dubai International Airport at Palm Jumeirah kung saan isang indibidwal ang nasawi at may ilan ding nasugatan.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang work-from-home setup sa parehong pribado at pampublikong sektor habang patuloy na mino-monitor ang sitwasyon at naghahanda ang mga residente sakaling lumala pa ang kaguluhan.
Dagdag pa ni Suguitan, tinatayang nasa 51 Pilipino na ang nagpahayag ng kagustuhang makauwi sa Pilipinas. Gayunman, nananatiling sarado ang paliparan kaya’t hindi pa maisakatuparan ang kanilang agarang pag-uwi.











