--Ads--

Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang operasyon ng isang review center sa Barangay Calaocan, Santiago City matapos itong matukoy na sangkot umano sa illegal recruitment kaugnay ng pag-aalok ng trabaho sa Canada at Poland.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Usec. Bernard Olalia ng DMW, nagsimula ang aksyon ng ahensya kasunod ng natanggap na formal complaint mula sa isang aplikante na inalok umano ng overseas employment ng naturang entity.

‎Sa isinagawang beripikasyon ng DMW, agad na napatunayang walang valid license to recruit ang naturang opisina.

‎Isinailalim sa surveillance at online monitoring ang operasyon ng nasabing establisimyento, kung saan natukoy ang kanilang recruitment-related postings sa social media.

‎Sa isinagawang on-site inspection, nakumpirma na ang entity ay rehistradong review center na may mayor’s permit at barangay clearance, subalit walang legal na awtoridad upang magsagawa ng recruitment at placement para sa overseas employment.

‎Batay sa resulta ng imbestigasyon at panayam sa mga complainant, nag-aalok umano ang opisina ng English proficiency training bilang bahagi ng kanilang serbisyo.

‎Gayunman, lumalabas na ginagamit ito bilang ancillary service upang makahikayat ng mga aplikante habang sabay na nag-aalok ng employment opportunities para sa skilled at professional workers abroad

‎Napag-alaman din na naniningil ang opisina ng humigit-kumulang ₱70,000 bilang processing fee kapalit ng ipinapangakong deployment, na may kaakibat na sahod na umaabot sa ₱300,000 hanggang ₱350,000 kada buwan, mga alok na ayon sa DMW ay hindi beripikado at maituturing na misrepresentation.

‎Dagdag pa ng ahensya, ang naturang gawain ay malinaw na paglabag sa umiiral na batas laban sa illegal recruitment, lalo na’t isinasagawa ito nang walang lisensya at may kasamang paniningil ng bayarin mula sa mga aplikante.

‎Bagama’t may ilang aplikante na napaalis na umano sa pamamagitan ng naturang opisina, nilinaw ng DMW na hindi ito indikasyon ng lehitimong operasyon.

‎Posible umanong nailagay sa alanganin ang mga manggagawa, lalo na kung ang kanilang employer ay hindi dumaan sa tamang verification process o kabilang sa mga blacklisted entities.

‎Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang validation ng DMW sa mga indibidwal na nakaalis na, kabilang ang pagberipika sa kanilang employers at working conditions, bagay na hindi pa umano naibibigay ng opisina ang kumpletong detalye ng mga aplikante, kaya’t mas pinaigting pa ang imbestigasyon at case build-up upang matukoy ang buong lawak ng kanilang operasyon.

‎Lumabas din sa imbestigasyon na ang grupo ay matagal nang nagsasagawa ng ganitong aktibidad mula pa noong 2024 hanggang sa kasalukuyan, kabilang ang face-to-face sessions at online recruitment-related engagements gaya ng digital meetings at virtual training.

‎Samantala, sinusuri rin ng DMW ang claim ng opisina na sila umano’y awardee batay sa dami ng kanilang napadalang aplikante, upang matukoy kung ito ay ginagamit bilang panlilinlang upang makakuha ng kredibilidad mula sa publiko.

‎Samantala, mahigpit namang nagpaalala ang DMW sa publiko na makipagtransaksyon lamang sa mga lisensyado at awtorisadong recruitment agencies, at i-verify ang mga ito sa opisyal na database ng ahensya upang matiyak ang legal, ligtas, at dokumentadong deployment sa ibang bansa.

‎Sa ngayon, nananatiling sarado ang nasabing establisimyento habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable sa operasyon.