Umabot sa higit na kliyente ang nabigyan ng serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa isinagawang government service caravan ng Department of Migrant Workers o DMW Region 2 sa bayan ng Echague, Isabela.
Sa panayam ng bombo Radyo Cauayan kay Ciara Castillejo ang Media Officer ng DMW Region 2, sinabi niya na isinagawa ang aktibidad sa Cultural Center ng Echague Municipal Compound sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at Public Employment Service Office.
Aniya, hindi lamang ito para sa mga aspiring overseas Filipino workers o OFWs kundi para sa lahat ng miyembro ng publiko na nangangailangan ng serbisyo mula sa pamahalaan.
Bahagi rin ng aktibidad ang overseas job fair na nilahukan ng limang licensed recruitment agencies.
Sa kabuuan, 56 na job seekers ang lumahok sa overseas job fair, kung saan 28 ang kwalipikado habang 22 naman ang isinailalim sa further interview at evaluation.
Ayon kay Castillejo, mahalaga ang pagdadala ng mga licensed recruitment agencies sa mga job fair upang matiyak na ligtas ang mga aplikante at mabawasan ang posibilidad na mabiktima sila ng illegal recruitment.
Kabilang sa mga ahensyang lumahok sa government service caravan ang Department of Agriculture, National Bureau of Investigation, Land Transportation Office, PAG-IBIG Fund, PhilHealth at Social Security System.
Samantala, patuloy namang pinaaalalahanan ng DMW ang mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na huwag basta maniwala sa mga alok na nangangako ng mabilis na deployment at mataas na sahod.
Ayon kay Castillejo, dapat tiyakin ng mga aplikante na lisensyado ang recruitment agency at mayroong approved job order bago mag-apply.
Pinayuhan din ang mga job seeker na i-verify ang mga impormasyon sa opisyal na website, portal o social media page ng DMW upang makaiwas sa illegal recruiters na aktibong gumagamit ng social media sa pag-aalok ng trabaho.
Patuloy rin umanong isinasagawa ng DMW Region 2 ang anti-illegal recruitment at anti-trafficking in persons seminars sa mga lokal na pamahalaan at barangay, gayundin ang pre-employment orientation seminars sa mga kolehiyo upang maipaalam sa mga kabataan at magiging job seekers ang mga paraan upang makaiwas sa illegal recruitment.
Samantala, sinabi ni Castillejo na dalawang government service caravan na ang naisagawa ng DMW Region 2 ngayong Setyembre, kabilang ang aktibidad sa Echague at isa pang isinagawa sa Alicia, Isabela.
Kabilang din sa mga lugar na napuntahan ng DMW Region 2 sa mga nakalipas na buwan ang Gonzaga at Alcala sa Cagayan, gayundin ang Tumauini at Ilagan City sa Isabela.
Aasahan naman na magtutuloy tuloy ang mga programa ng DMW hanggang sa matapos ang taon at mailunsad ang kaparehong mga aktibidad sa Abulug Cagaya, Reina Mercedes, Isabela at San Maria Isabela











