--Ads--

Inihayag ng isang doktor na mas maigting na information dissemination ang kailangan upang maipamulat sa publiko ang kahalagahan ng pagpapabakuna sa mga bata.

Matatandaang kumalat ang pahayag ni DOH Undersecretary Emmie Liza Chiong sa House committee on health kaugnay sa pagpapataw ng penalty sa mga magulang na hindi pinapabakuna ang mga anak.

Agad naman itong ni-rule out ng DOH at tiniyak na walang i-impose na penalty. Ayon kay DOH Sec. Ted Herbosa, bilang isang doktor, alam niyang may ibang mga batang may mga contraindication sa pagbibigay ng bakuna kaya hindi talaga pwedeng ibigay ang bakuna sa kanila.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Melanio Lazaro, Internal medicine doctor, sinabi niya na public awareness ang kailangan upang maipaalam sa mga magulang ang  kahalagahan ng bakuna.

--Ads--

Aniya kaya maraming mga batang hindi nababakunahan ay dahil sa kakulangan sa information drive kaugnay rito ng DOH.

Ito ang dapat pondohan ng malaking halaga upang maipamulat sa publiko na mahalaga ang pagpapabakuna upang makaiwas sa mga sakit tulad ng  tuberculosis; diphtheria, tetanus at pertussis; poliomyelitis; measles; mumps; rubella o German measles; hepatitis B; H. influenza type B at iba pang sakit.

Binigyang-diin ni Dr. Lazaro na ang tamang impormasyon at awareness ay kasinghalaga ng aktwal na bakuna, sapagkat ito ang magtuturo sa mga magulang kung bakit hindi dapat ipagpabaya ang immunization ng kanilang mga anak.