Inatasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang may-ari at contractor ng gumuhong siyam na palapag na gusali sa lungsod na magbayad ng kabuuang ₱11.7 milyon bilang labor-related liabilities at administrative fines.
Batay sa imbestigasyon ng mga ahensya, napatunayang may pananagutan sina Jackson Lim at Golden Years Construction and Steelworks Corp. sa halagang ₱1.1 milyon para sa paglabag sa labor standards, at ₱10.3 milyon naman bilang administrative fine dahil sa paglabag sa occupational safety and health standards.
Lumabas din sa imbestigasyon na ipinagpatuloy ng mga manggagawa ang kanilang trabaho sa kabila ng umiiral na work stoppage order mula sa DOLE, na naglantad sa kanila sa delikadong kondisyon na maaaring magdulot ng malubhang pinsala o kamatayan.
Natuklasan din ang iba pang paglabag gaya ng hindi pagbabayad ng sahod at statutory benefits, underpayment, at hindi tamang pasahod para sa rest days, Sabado, at mga holiday.
Ayon pa sa DOLE, nagsumite ang kumpanya ng mga pekeng at hindi balidong sertipiko para sa itinalagang first aider at safety officer.
Tiniyak ni Acting Labor Secretary Francis Tolentino na magpapatuloy ang administrative proceedings laban sa ilang opisyal at labor inspectors ng DOLE Regional Office III na posibleng may pananagutan din sa insidente.
Nauna nang sinabi ng opisyal na makatatanggap ng tulong pinansyal ang mga pamilya ng mga nasawing manggagawa sa pamamagitan ng Employees’ Compensation Commission (ECC).
Matatandaang gumuho ang siyam na palapag na gusali noong Mayo 24, na ikinasawi ng mahigit 20 construction workers.










