--Ads--

Nakatuon naman ang Department of Tourism o DOT Region 2 sa patuloy na pagpapaigting ng accreditation ng mga tour guide upang matiyak ang kalidad, kaligtasan, at propesyonal na serbisyo para sa mga turista.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Regional Director Dr. Troy Alexander Miano, sinabi nito na bahagi ng proseso ng renewal ng accreditation ng mga tour guide ang pagsailalim sa mga kinakailangang pagsasanay kabilang ang basic life support training upang masiguro na updated ang kanilang kaalaman at kakayahan sa paghawak ng mga turista.

Ayon kay Dr. Miano, hindi lamang pagsusumite ng mga dokumento gaya ng medical requirements at NBI clearance ang kinakailangan sa renewal kundi may kalakip ding mga training bilang bahagi ng pagpapanatili ng kalidad ng serbisyo.

Sa lalawigan ng Isabela, mahigit 30 tour guide ang sumailalim sa naturang pagsasanay na pinondohan ng pamahalaang panlalawigan habang nagsilbing katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa pagsasagawa ng training.

--Ads--

Dagdag pa ni Dr. Miano, libre ang accreditation na ipinagkakaloob ng Department of Tourism at tanging mga kaukulang requirements lamang ang may posibleng gastusin.

Layunin ng programa na mapalakas ang propesyonalismo sa sektor ng turismo at mahikayat ang mga tour guide na dumaan sa tamang proseso ng pagpaparehistro at accreditation.