Isinusulong ng Department of Tourism Region 2 ang creative at cultural tourism sa Cagayan Valley sa pamamagitan ng kauna-unahang “Bagong Hibla–Region 2 Young Designers Competition” nitong Sabado, Setyembre 19.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Troy Alexander Miano, Regional Director ng Department of Tourism Region 2, sinabi niyang layunin ng kompetisyon na maipakita ang husay ng mga batang local designers at ang yaman ng sining at kultura ng rehiyon.
Aniya, maaaring maging bahagi ng tourism promotion ng Cagayan Valley ang mga lokal na disenyo, kasabay ng mga tourist spots, upang mas makilala ang rehiyon hindi lamang sa mga pasyalan kundi maging sa larangan ng fashion.
Mahalaga rin umano ang programa upang maipakita ang kultura at mga kuwento ng local weavers, mamamayan at designers, habang layunin din ng DOT Region 2 na maisulong ang mga disenyong Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Plano ng ahensya na palawakin pa ang kompetisyon at posibleng gawin itong regular na programa kada dalawang taon upang patuloy na mabigyan ng pagkakataon ang mga local designers sa Cagayan Valley.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aaron Navarette ang nagwagi sa “Bagong Hibla–Region 2 Young Designers Competition” na mula sa Nueva Vizcaya, sinabi niya na ginamit niya ang disenyong hango sa likas na yaman at katangian ng kanilang lalawigan.
Ayon kay Navarette, naging inspirasyon niya sa kanyang disenyo ang Nueva Vizcaya bilang watershed region ng North Luzon.
Isinama niya sa kanyang likha ang kulay asul na kumakatawan sa tubig, habang ang mga patong-patong na elemento ng disenyo ay sumisimbolo naman sa mga kabundukan ng Nueva Vizcaya.
Dalawa hanggang tatlong araw umano niyang pinag-isipan at binuo ang konsepto ng disenyo, habang tinatayang isang linggo naman ang ginugol sa aktuwal na paggawa nito.
Gayunman, aminado si Navarette na naging hamon ang paggawa ng kanyang likha dahil kasabay nito ang kanyang trabaho.
Ikatlong pagkakataon na rin umano niyang kumatawan sa Nueva Vizcaya sa naturang aktibidad.
Sa pagkakataong ito, nagbunga ang kanyang pagsisikap matapos niyang maiuwi ang pagkapanalo sa Bagong Hibla Young Designers Competition.
Sa ngayon nais niyang gamitin ang kanyang disenyo upang maipakita ang iba pang mukha ng Nueva Vizcaya, kabilang ang mga produkto, kultura at likas na yaman nito.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa kinabukasan ng komunidad, partikular sa pagpapakita na ang Nueva Vizcaya ay mayaman hindi lamang sa usapin ng pagmimina kundi maging sa iba pang likas at kultural.
Inialay naman ni Navarette ang kanyang tagumpay sa mga taong naging inspirasyon at patuloy na sumusuporta sa kanyang paglalakbay bilang designer.











