Arestado ang isang 37-anyos na drayber habang nakatakas naman ang dalawa nitong kasama nang mahuli sa aktong nagpopot session sa loob ng isang trailer truck sa Barangay Nungnungan 1, Cauayan City, Isabela nitong Setyembre 30, 2026.
Itinago ang naaresto sa alyas na “Ronnie” residente ng Barangay Aniog, Angadanan, Isabela. Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na nakatakas habang isinasagawa ang operasyon.
Ayon sa ulat ng Cauayan Component City Police Station (CCPS), nakatanggap ng text message ang Tactical Operations Center (TOC) bandang 9:31 ng umaga hinggil sa diumano’y paggamit ng iligal na droga ng isang nagngangalang “Ronnie” gamit ang kanyang minamanehong trailer truck malapit sa bypass road ng Barangay Nungnungan 1.
Natagpuan ng mga awtoridad ang nasabing truck at nakitang bukas ang bintana sa bahagi ng drayber, kung saan nahuli sa aktong sumisinghot ng hinihinalang shabu ang tatlong lalaki sa loob ng tractor head.
Nakuha mula sa possession ng naarestong suspek ang isang maliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu at isang kulay itim na plastic ashtray.
Bukod sa sachet ng pinaniniwalaang shabu,nakuha rin ang limang crumpled aluminum foil, iba pang piraso ng aluminum foil (rolled, half-folded, at unused), isang ballpen, at tatlong lighter.
Nakuha rin sa suspek ang kanyang Driver’s License at isang kulay gray na Android cellphone. Ayon sa opisyal na ulat, tinatayang may kabuuang timbang na higit-kumulang 0.17 gramo ang nakuhang iligal na droga na may Standard Drug Price na ₱1,156.00.
Dinala na sa Cauayan CCPS ang suspek kasama ang mga nakuhang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.











