--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga awtoridad ang isang truck driver matapos maaktuhang nagnanakaw ng baterya ng sasakyan sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Ang suspek ay si alias Edgar, 38-anyos, driver at residente ng Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Danilo, nakasaksi sa pangyayari at caretaker ng isang construction company na nagmamay-ari sa truck na pinagnakawan ng suspek, sinabi niya na nakita nito ang pinaghihinalaan na binabaklas ang baterya ng isa nilang truck.

Agad naman niya itong iniulat sa opisyal ng Barangay sa San Fermin kung saan agad namang rumesponde ang mga tanod ng barangay at nadatnan nila ang ginagawang pagnanakaw ng pinaghihinalaan.

--Ads--

Itinawag naman nila ito sa himpilan ng pulisya na kaagad namang rumesponde sa lugar.

Napag-alaman na dati ring kasamahan sa trabaho ni Ginoong Danilo ang naarestong suspek.

Sa ngayon ay nasa Cauayan City Police Station na ang suspek at inihahanda na ang kasong theft na isasampa laban sa kaniya.