Nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa posibleng epekto ng matinding tagtuyot at mga paparating na kalamidad sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kanilang paghahanda at paglalatag ng mga prepositioned goods sa mga lalawigan at munisipalidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng Region 2, sinabi nito na kasalukuyan nilang ipinatutupad ang Emergency Cash Transfer (ECT) para sa mga magsasakang naapektuhan ng dry spell sa mga lalawigan ng Isabela at Cagayan na nagdeklara ng state of calamity.
Ayon kay Alan, aabot sa P358.8 milyon ang inilaan para sa 35,444 benepisyaryo sa Isabela habang mahigit P321.7 milyon naman ang inilaan para sa 31,782 benepisyaryo sa Cagayan.
Sinabi pa niya na patuloy ring nagsasagawa ang ahensya ng prepositioning ng mga food items sa iba’t ibang lokal na pamahalaan upang matiyak na may agarang maipamamahaging tulong sakaling magkaroon ng kalamidad.
Ipinaliwanag niya na ang dami ng mga nakaimbak na relief goods ay nakadepende sa kapasidad ng bawat local government unit at sa lawak ng kanilang nasasakupan.
Tiniyak din ng opisyal na mahigpit nilang mino-monitor ang expiration ng mga food items upang maiwasan ang pagkasira ng mga ito at maaari namang gamitin sa mga food-for-work activities kung malapit nang mag-expire.
Samantala, sinabi ni Alan na ang pagbibigay ng karagdagang ayuda sa mga magsasakang maaaring maapektuhan ng kakulangan ng ulan ay nakadepende sa magiging deklarasyon ng state of calamity ng mga lokal na pamahalaan.
Nanawagan naman siya sa mga benepisyaryo ng Emergency Cash Transfer na sundin ang kanilang itinakdang schedule ng payout at makipagtulungan sa mga otoridad upang maging maayos ang distribusyon ng ayuda.











