Muling magsasama sa doubles ang magkaibigang sina Alex Eala at Zeynep Sonmez ng Turkey sa Mutua Madrid Open na ginaganap sa Madrid, Spain.
Sisilipin nina Eala at Sonmez ang kanilang kampanya ngayong araw, kung saan makakaharap nila sa opening round sina Chan Hao-Ching ng Chinese Taipei at Fanny Stollar ng Hungary.
Nakatanggap ng wild card entry ang tambalang Eala at Sonmez para sa doubles event.
Bago ang kanilang laban sa doubles, sasabak muna ang dalawa sa kani-kanilang singles matches sa opening round Miyerkules ng gabi (oras sa Maynila). Makakatapat ni Eala si Anastasia Pavlyuchenkova ng Russia, habang haharap naman si Sonmez kay Carlota Martinez Cirez ng Spain.
Hindi magiging madali ang kanilang laban sa doubles dahil pawang beterana ang kanilang mga kalaban. Si Chan ay kasalukuyang No. 27 sa Women’s Tennis Association (WTA) doubles rankings, habang si Stollar ay No. 38. Mayroon nang 21 doubles titles si Chan, samantalang lima naman ang naiuwi ni Stollar.
Ito na ang ikaapat na pagkakataon na magtatambal sina Eala at Sonmez. Una silang nagsama sa W60 Nantes sa France noong Oktubre 2023, sinundan ng W40 Petange sa Luxembourg noong Nobyembre 2023, at huling naglaro nang magkasama sa W75 Trnava sa Slovakia noong 2024 kung saan umabot sila sa semifinals.
Tiyak na makakakuha ng hindi bababa sa P2.1 milyon sina Eala at Sonmez, anuman ang maging resulta ng kanilang kampanya sa singles at doubles sa Madrid Open.






