Pinalalakas ng iba’t ibang institusyon ang kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng regular na drug testing at pagpapatupad ng mga programang naglalayong mapanatili ang disiplina at integridad ng kanilang mga kawani.
Kabilang dito ang Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Santiago City Police Office (SCPO) na nagpapanatili ng Drug-Free Workplace status matapos sumailalim sa drug testing ang 100 porsiyento ng mga tauhan nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit, sinabi nitong taun-taon nilang isinasagawa ang drug testing at nire-renew ang kanilang Drug-Free Workplace recognition bilang bahagi ng pagsunod sa mga pamantayan ng isang drug-free workplace.
Ayon kay Aggabao, nakatatanggap din sila ng commendation mula sa kinauukulang ahensiya bilang pagkilala sa kanilang pagsunod at pagpapatupad ng naturang programa.
Nilinaw naman niya na hindi lamang ang TEU ang nakatanggap ng pagkilala dahil kabilang din ang iba pang mga yunit ng SCPO na sumailalim sa mga kinakailangang hakbang upang mapanatili ang drug-free workplace sa kanilang mga tanggapan.
Binigyang-diin ni Aggabao na patuloy silang nakikiisa sa kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga nararapat na polisiya at programa, kabilang ang regular na drug testing sa kanilang mga tauhan.
Layunin ng Drug-Free Workplace Program na maiwasan ang paggamit ng ilegal na droga sa mga lugar ng trabaho at mapanatili ang disiplina, integridad at pananagutan ng mga kawani sa iba’t ibang institusyon.











