Umabot na sa mahigit 900 suspected cases ng Ebola sa Democratic Republic of Congo, ayon sa World Health Organization (WHO).
Sa naturang bilang, 101 ang kumpirmadong kaso, habang patuloy ang pinaigting na surveillance efforts sa bansa.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, batay sa ulat ng health authorities, umabot na rin sa 204 ang nasawi dahil sa viral disease na naitala sa tatlong probinsiya ng central African country.
Matatandaang noong Mayo 15 ay idineklara ng WHO ang Ebola outbreak na dulot ng Bundibugyo strain sa Congo, na kasalukuyang wala pang aprubadong bakuna o gamot.
Ang Ebola ay isang nakamamatay na sakit na naipapasa sa pamamagitan ng direktang contact sa bodily fluids at maaaring magdulot ng matinding pagdurugo at organ failure.










