--Ads--

Sinimulan na ng Democratic Republic of Congo ang pagbabakuna sa mga health worker at iba pang frontline workers bilang bahagi ng pag-aaral sa bisa ng Ervebo vaccine laban sa kasalukuyang Ebola outbreak sa bansa.

Isinasagawa ang vaccination study sa Bunia, Ituri Province, na itinuturing na epicenter ng outbreak. Layunin nitong malaman kung makatutulong ang Ervebo vaccine laban sa Bundibugyo virus, ang strain ng Ebola na sanhi ng kasalukuyang outbreak.

Ayon sa World Health Organization, ang Ervebo ang tanging lisensyadong bakuna laban sa Ebola, ngunit idinisenyo ito laban sa Zaire ebolavirus at hindi sa Bundibugyo virus.

Dahil dito, hindi pa tiyak kung nagbibigay ng proteksyon ang Ervebo laban sa kasalukuyang strain sa mga tao. Inirekomenda ng WHO na gamitin ang bakuna laban sa Bundibugyo virus sa ilalim lamang ng research protocols upang makakuha ng sapat na datos hinggil sa bisa nito.

--Ads--

Kabilang sa isinasagawang pag-aaral ang BRAVO study ng Médecins Sans Frontières o Doctors Without Borders at Epicentre, na susubaybay sa humigit-kumulang 20,000 frontline workers upang masukat ang epekto ng bakuna sa loob ng isang taon.Samantala, patuloy na lumalawak ang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo. Batay sa pinakahuling ulat ng WHO, kumalat na ang outbreak sa pitong probinsya at nakapagtala na ng mahigit 7,000 kumpirmadong kaso.