Dinagsa ng mga motorista mula sa iba’t ibang bayan sa Isabela ang isinagawang Land Transportation Office (LTO) Caravan sa Santiago City upang makinabang sa iba’t ibang serbisyong inilapit ng ahensiya.
Layunin ng programa na mailapit sa publiko ang mga serbisyo ng LTO, kabilang ang pagproseso ng mga transaksiyon at pagbibigay ng impormasyon tungkol sa kaligtasan sa kalsada at wastong pagsunod sa mga batas-trapiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Nelson Trinidad mula sa San Isidro Isabela, sinabi nito na malaking kaginhawaan ang caravan dahil hindi na nila kailangang bumiyahe nang malayo upang maasikaso ang kanilang mga dokumento.
Hinikayat din nito ang kanilang kapwa motorista na makilahok sa mga susunod na caravan upang maging maayos at legal ang kanilang mga papeles at madagdagan ang kanilang kaalaman sa responsableng pagmamaneho.
Umaasa naman ang LTO Santiago Extension Office na mas marami pang motorista ang makikibahagi sa mga susunod na caravan bilang bahagi ng patuloy na pagpapalapit ng serbisyo ng ahensiya sa publiko.











